Home METRO 4 opisyal ng motorcycle firm tiklo sa ‘di paghuhulog ng bayad ng...

4 opisyal ng motorcycle firm tiklo sa ‘di paghuhulog ng bayad ng mga buyer

MANILA, Philippines- Arestado ang mga opisyal ng isang motorcycle firm nitong Biyernes sa umano’y hindi pagre-remit ng bayad ng buyers sa mga bangko, ayon sa ulat.

Nadakip ng NCR Police- Intelligence Unit si Jomar Llorica, CEO ng Champion Global Lifestyle Corporation, dalawang taon matapos mag-isyu ng arrest warrant para sa kasong syndicated estafa laban sa kanya.

Timbog din ang tatlo pang opisyal ng kompanya na kinilalang sina Ylonna Francisco, kinakasama ni Llorica, at Rosalie Alcantara. 

Base sa complainants, bumili sila ng brand new na mga motorsiklo mula sa nasabing kompanya at nagbayad ng cash. Subalit, makalipas ang ilang buwan, kinasuhan sila ng bangko, na may kasunduan sa kompanya.

Nadiskubre rin na hindi ibinigay ng kompanya ang bayad ng kanilang mga kliyente sa bangko.

“Naloko po kami talaga, kasi nagbayad kami ng buo, yung iba, ipinangutang pa yung pinambayad, but then, hinahabol kami ng banks. Marami po kami, yung iba vendor, home maker, yung iba students,” anang complainant na si Caselle Go. 

Kasama ang iba pang nagrereklamo, nagtungo si Go sa opisina ng Champion Global Lifestyle Corporation sa Quezon City at nakipag-usap sa staff subalit walang nakapagsabi sa kanila kung saan napunta ang kanilang ibinayad.

“‘Yun ang hindi pa nasasagot hanggang ngayon. Since October 1, tinigil nila yung payment sa banks, kasi nag-announce sila ng bankruptcy. Bakit kami ang magbabayad? E bayad na kami,” giit ni Go. 

Ayon sa mga biktima, bumili sila ng motorcycle unit na nagkakahalaga ng P20,000, mas mababa kumpara sa orihinal na presyo. Bukod pa ito sa iba pang extra promo o discount.

“Una po sa lahat discounted, second mabilis ang release ng unit kasi during that time, walang casa na nagrerelease, at nageentertain ng cash payment. Gusto ko po talaga, cash. Kasi ang installment, masyadong mahal,” patuloy ni Go. 

Sinabi ni Police Colonel Eunice Salas, NCRPO spokesperson, na maituturing na scammers ang mga opisyal ng kompanya dahil gumamit sila ng online promotions at nagpanggap na lehitimong motorcycle dealers na nag-aalok ng units sa mababang halaga.

Subalit, itinanggi ni Llorica ang scam allegations. 

“Hindi ito scam, registered tayo, at the same time may kontrata ito, na nag-aagree sila sa policy ng company,” giit niya.

Hindi umano tatakasan ng mga opisyal ng kompanya ang kaso.

“In fact marami ng fully paid sa kanila at the same time marami na rin ang nagre-refund. During pandemic, struggle na ang company, nilalaban pa rin namin, hindi na naka-survive,” wika pa niya.

Samantala, hindi naman nagbigay ng komento ang iba pang suspek na sina Francisco at Alcantara.

Binawi na ng Securities and Exhange Commission (SEC) ang company registration kasunod ng naiulat na violation. RNT/SA

Previous articleRiding-in-tandem timbog sa P120K ‘tsongki’ sa Bulacan checkpoint
Next articleSa tulong ng Malasakit Center ni Bong Go, desperadong mister dahil sa sakit nagkaroon ng pag-asa