Home NATIONWIDE 4 Pinoy na ginawang crypto scammer sa Myanmar, sinagip

4 Pinoy na ginawang crypto scammer sa Myanmar, sinagip

MYANMAR – Nasagip ng Myanmar police ang apat na Filipino na pwersahang pinagtatrabaho bilang crypto scammer sa isang crypto farm sa nasabing bansa.

Ayon kay Philippine ChargĂ© D’Affaires Enrique Pingol, humingi ng tulong ang mga Filipino sa embahada dahil sa sapilitang pagtatrabaho ng mga ito sa hindi marangal na paraan.

Sa pamamagitan ng Myawaddy police ay sinagip ang mga biktima, habang ipinoproseso na ang repatriation ng apat na ito sa tulong na rin ng mga awtoridad sa Myanmar.

Sa ulat, ang mga Filipino ay dinala sa Thailand at tumawid sa isang ilog kung kaya’t hindi na nito kailangang dumaan sa immigration.

Tanging ang mga Myanmar nationals lamang ang pinapayagan na tumawid sa river border ng dalawang bansa.

“We are always given the assurance that they are ok,” ani Pingol.

“We also requested for us to be given consular access para makausap natin sila. And we are hoping to do that in the coming days.”

Matatandaan na unang inilantad sa Senado ang illegal recruitment scheme na ito sa mga Filipino kung saan dinadala ang mga ito sa Myanmar at pinagtatrabaho bilang crypto scammers sa pangako ng mataas na sahod.

Ang mga biktima ay ipinapasok sa Thailand bilang mga turista ngunit pinatatawid sa Myanmar sa illegal na paraan.

“Paalala sa ating mga kababayan na legitimate na magbibiyahe sa Thailand as a tourist – maging alerto sa mga patakaran ng immigration ng mga bansang pinupuntahan natin, lalo na dito sa Thailand at Myanmar,” paalala naman ni Pingol.

“And of course, for our workers, mahalaga din na pag magbibiyahe abroad… sumusunod tayo sa mga tinakdang proseso sa [Philippine Overseas Employment Administration] to work abroad.”

Samantala, iniimbestigahan na ng Myanmar authorities kung paano nakalusot ang mga biktimang Pinoy at kung sino ang mga nasa likod ng modus na ito. RNT/JGC

Previous articlePagbuntot ng Chinese vessel sa PH Navy warship ‘di pa beripikado – PCG
Next articleIsabela governor, nagpasaklolo na sa US Embassy, DOST sa nawawalang Cessna plane