MANILA, Philippines- Dinakip ng National Bureau of Investigation (NBI) ang apat na umano’y nagbebenta ng SIM cards na may beripikadong e-wallet accounts sa entrapment operation.
“We were able to intercept ‘yung transaction nila between the seller and the buyer and then we will able to track them down,” sabi ni NBI Cybercrime Division chief Jeremy Lotoc sa ulat.
Ayon sa mga suspek, inatasan sila na magbenta ng registered SIM cards online ngunit ang beripikasyon ay ginagawa ng miyembro ng isang group chat.
Ang bawat SIM card umano ay ibinibenta sa halagang P700, at kada araw ay nakapagbebenta ng 40 hanggang 50 piraso ayon sa suspek.
Sinabi ni Lotoc na ang mga parokyano ng mga rehistradong SIM card ay kinabibilangan ng mga sangkot sa virtual casino at online cockfighting (e-sabong) operations na maaari pa ring ma-access ang e-wallet accounts sa kabila ng security features nito.
Ang talamak na online selling ng GCash verified accounts ayon kay Lotoc ay sinasabing magagamit nila sa kabila ng pagkakaroon ng security features.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 ang mga naarestong suspek, ayon sa ulat.
Sa panig naman ng Gcash, sinabi na pinapalakas ang mga security feature nito para maiwasan ang mga online scam at inihirit ang pagpasa ng batas na magpapataw ng parusa sa pagbili at pagbebenta ng “mule accounts.”
Pinayuhan din ang mga users na huwag magbenta ng kanilang accounts at huwag i-share ang kanilang MPIN at one-time pin passwords at huwag ding buksan ang mga link na nasa emails o text messages. Jocelyn Tabangcura-Domenden