Home METRO 4 sugatan sa pagsabog sa pagawaan ng paputok sa Bukidnon

4 sugatan sa pagsabog sa pagawaan ng paputok sa Bukidnon

MANILA, Philippines – Apat na indibidwal ang nagtamo ng second at third degree burn sa umano’y pagsabog sa isang pagawaan ng paputok sa Balangay 9, Barangay Poblacion, Quezon, Bukidnon nitong Biyernes, Disyembre 29.

Ang mga biktima na dalawang lalaki at dalawang babae, ay agad na dinala sa Simbulan Hospital sa kalapit na munisipalidad ng Don Carlos, Bukidnon. Nasa stable na kondisyon na ang apat na biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Bukidnon Police Provincial Office, ang mga biktima ay gumagawa ng mga paputok at iba pang pyrotechnic devices bago nangyari ang pagsabog.

Kinailangan pang hingin ang tulong ng Explosive Ordinance Disposal upang makapagsagawa ng mas malalim na imbestigasyon at masuri ang legalidad ng establisyimento.

Sinabi ni Quezon police chief Major Noel Cano na naghihintay pa sila ng beripikasyon mula sa Firearms and Explosives Office ng Police Regional Office-10 upang matukoy kung ang establisyimento ba ay rehistrong gumawa ng paputok at pyrotechnic devices.

“If they are not registered, we will check the legal remedy or legal action that we can take against them so that the victims can benefit,” sinabi ni Cano.

Dagdag pa niya, ang mga biktima ay gumagawa ng mga paputok na gagamitin umano sa New Year countdown ng lokal na pamahalaan ng Quezon. Tinitignan na umano ng pulisya ang bagay na ito.

Nilinis ng EOD, kasama ng Bureau of Fire Protection, ang lugar para sa mapanganib pang mga materyales.

Wala namang nadamay na mga bahay dahil ang lugar ay isolated.

Samantala, iniulat ng Department of Health-Northern Mindanao (DOH-10) na nakapagtala sila ng siyam na kaso ng firecracker-related injuries sa rehiyon hanggang nitong Disyembre 29.

Tatlo sa mga kaso ay mula sa Bukidnon, dalawa mula sa Malaybalay, dalawa mula sa Misamis Occidental at isa mula sa Iligan City.

Hindi pa kasama sa bilang ng DOH ang mga biktima sa Quezon, Bukidnon dahil kailangan pa itong maberipika ng kanilang reporting unit. RNT/JGC

Previous articleLalaki tiklo sa pagdukot sa 6 Chinese, 3 Pinoy sa Muntinlupa
Next articleMga senador nagbabala sa gun owners vs indiscriminate firing