Home METRO 4 sugatan sa sunog sa Sta. Mesa

4 sugatan sa sunog sa Sta. Mesa

MANILA, Philippines – Apat katao ang sugatan sa naganap na sunog sa isang residential area sa Sta. Mesa, Maynila ngayong Miyerkules, Pebrero 21.

Alas-9:45 ng umaga nang magsimula ang sunog sa isang bahay na gawa sa light materials.

Umabot ang sunog sa ikatlong alarma bandang alas 10:54 kung saan nasa humigit-kumulang 100 bahay ang nilamon ng apoy at humigit-kumulang 300 pamilya naman ang naapektuhan.

Kabilang ang dalawang fire volunteer sa sugatan nang napaso habang tinatangkang apulahin ang lumalaking sunog habang ang dalawa naman na nahirapang huminga ay kapwa mga residente.

Sa panayam kay Chairman Lito Linis ng Brgy. 598, na nakakasakop sa lugar, hindi agad nakahingi ng tulong sa barangay ang nasunugang bahay dahil sinubukan pa nilang apulahin ngunit hindi kinaya at mabilis na kumalat ang apoy.

Aniya, dikit-dikit din ang mga bahay bukod pa sa maliliit ang eskinita at nasabayan pa ng malakas na hangin kaya maraming bahay ang nadamay.

Ayon kay Chairman Linis, kasalukuyang nanunuluyan ngayon ang mga nasunugan sa tatlong evacuation center ng barangay.

Upang masiguro naman ang bilang ng mga residenteng nasunugang, sinabi ni Chairman Linis na nagsasagawa na sila ng household listing.

Isa si aling Janet Abing sa nasunugan kung saan wala rin aniya silang naisalbang gamit kundi ang kanilang sarili lamang.

Ayon sa ginang, nasa labas siya nang magsimula ang sunog sa likod ng kanilang bahay na inakala niya noong una na may nag-aaway lamang.

Pagbalik niya sa bahay ay nakita na lamang niya na nilalamon na ng apoy ang kanilang bahay. Sinasabing may ilang mga alagang aso at pusa naman ang naiwan at natrap sa sunog.

Sa ngayon ay hindi pa tuluyang idineklarang fire out ang sunog at may nakaantabay pang mga bumbero.

Hindi pa rin batid ang halaga ng naging pinsala sa sunog. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articlePeople’s initiative tablado sa INC
Next articleGinang Ongpauco at Chiz, nag-bonding; Netizen, emosyunal!