CAGAYAN DE ORO CITY – Nag-amok ang isang sundalo at pinagbabaril ang apat niyang kabaro sa loob pa mismo ng 4th Infantry Division headquarters sa Barangay Patag dito noong Sabado ng madaling araw.
Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina Private Joseph Tamayo, Patrolman First Class Prince Kevin Balaba, Sgt. Rogelio Rojo, Cpl. Bernardo Rodrigo, gayundin ang hinihinalang bumaril na si Private Johmar Villabito.
Isa pang sundalo na kinilalang si Staff Sgt. Braulio Macalos Jr. ang sugatan sa pamamaril pero nakaligtas na sa panganib.
Sinabi sa mga inisyal na ulat na “binaril ni Villabito ang mga biktima nang walang anumang maliwanag at makatwirang dahilan gamit ang isang M16”.
Nangyari ang insidente dakong ala-1:10 ng madaling araw nang natutulog ang mga biktima sa loob ng kanilang barracks sa Service Support Battalion (SSBN) unit.
Kasalukuyang nangangalap pa ang 4ID ng iba pang impormasyon mula sa mga saksi para malaman ang motibo ng pamamaril. RNT