MANILA, Philippines – Nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Hazing Law ang apat na persons of interest sa pagkamatay ng 25-anyos na criminology student.
Ito ang sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) director Police Brigadier General Red Maranan nitong Miyerkules, Oktubre 18 kung saan dalawa sa apat na suspek umano ang umamin na kaugnay sa hazing incident.
“Umaamin sila na talagang kasama sila doon sa sinasabing initiation rites. Nakikipagtulungan sila sa atin. Nakapagbigay pa sila ng sampu pa na kasamahan nila doon sa initiation, kaya madaragdagan ang mapa-file-an natin ng kaso,” ani Maranan.
Ang biktima ay kinilalang si Ahldryn Bravante na hinihinalang nasawi sa isang hazing ceremony sa abandonadong gusali sa Sto. Domingo Avenue at Calamba Street sa Quezon City nitong Lunes.
Sa panayam, sinabi ng dalawang suspek na mga miyembro sila ng Tau Gamma Phi Fraternity.
Sinabi rin ng mga ito na si Bravante ay isang “neophyte” na sumailalim sa initiation rite kasama ang mga miyembro ng fraternity.
Batay sa examination, si Bravante ay nagtamo ng hematoma sa hita at mga marka na sigarilyo sa dibdib nito at mga kamay.
Ayon kay QCPD spokesperson Police Lieutenant Colonel May Genio, ang reklamo laban sa apat na suspek ay ihahain ngayong araw dahil sa paglabag sa Republic Act 11053 or Anti-Hazing Act of 2018.
“Ang nag-plano o lumahok sa hazing na ito ay mahaharap sa parusang reclusion perpetua o hanggang 40 years na taong pagkakakulong at multang P3 milyon kung ang hazing ay magre-resulta sa kamatayan kagaya nga nito,” pahayag ni Genio sa panayam ng GMA News.
Batay sa CCTV footage, mayroon umanong halos 20 kataong sangkot sa hazing at kasalukuyang tinutukoy pa ng QCPD ang 10 suspek maliban sa apat na suspek na nasa kustodiya na nila. RNT/JGC