Home NATIONWIDE 40 degrees Celsius na init factor posibleng maranasan sa NCR sa Abril...

40 degrees Celsius na init factor posibleng maranasan sa NCR sa Abril – PAGASA

MANILA, Philippines – SINABI ng Philippine Athospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na posibleng maranasan ng Metro Manila ang mataas na init factor sa darating na buwan ng Abril dahil sa matinding impact ng El Nino sa naturang mga buwan.

Kaugnay nito pinayuhan ng PAGASA ang publiko lalo na ang may mga high blood na huwag lalabas ng bahay kung walang mahalagang gagawin simula sa buwan ng Abril.

Sa ginanap na QC Journalist Forum, sinabi ni Director Ana Liza Solis ng Climatotology and Agrometeorology Division ng PAGASA, hindi dapat lumabas ng kanilang bahay ang publiko kung wala naman importanteng gagawin sa buwan ng Abril hanggang Mayo dahil sa maalinsangang panahon na aabutin ng 4O degrees Celcius sa Cagayan Valley.

Sinabi pa nito sa init factor naman sa Metro Manila na mula 37 degrees ay madagdagan ng 5 degrees o mahigit sa 40 degrees ang init factor dahil sa matinding impact ng El Nino sa naturang mga buwan.

“Nung October 2023 nagsimula na maramdaman natin itong El Nino kaya nga kahit pagpasok ng January ay walang ulan at itong buwan ng February ay wala ding ulan dahil sa patindi ng patindi ang epekto bg El Nino. Sa ngayon patuloy ang pag-level up ng init at pag tumindi pa ito o itong ridge of high pressure area ay umiral, yan sobrang init yan, dyan mararamdaman ang 40 degrees ng init factor” sabi ni Solis.

Aniya, nakikita nilang may mararanasang prolong drought ang bansa kayat kailangang ang lahat ay maghanda at mag-ingat.

Idinagdag pa nito sa pagtatapos ng Hunyo aniya ay posibleng mawala na ang El Nino pero inaasahang papalit ang La Nina o maraming ulan pagsapit ng Hulyo o Agosto.

Samantala, sinabi naman ni Engr Christian Gonzales ng Field Operators Managament Department ng MWSS na bagamat may tagtuyot na nararanasan at araw araw ay may 0.17 centimeters a day na pagbaba sa mga dam, tiniyak nito na may sapat na suplay ng tubig sa Metro Manila at karatig lalawigan.

Iniulat din nito na nag-comply na ang lahat ng government agencies, GOCCs at State Universities na magbawas ng 10 percent ng konsumo sa tubig ngayong panahon ng El Nino.

Narerekober naman aniya ang 180 million liters ng tubig na system loss sa pamamagitan ng augmentation projects ng water concessionaires na Maynilad Water at Manila Water. Santi Celario

Previous articleTandem na tulak, laglag sa P87K ‘tobats’ sa Bulacan buy-bust
Next articlePNP inatasan ni PBBM: Maayos na komunikasyon, interoperability sa mga operasyon