
NASA 40 na lugar sa Pilipinas ang nasa kuko ng panganib sa lalo pang tumitinding epekto ng climate change crisis. Ito ang ibinunyag ng Climate Change Commission kasabay ng panawagan para sa pag-apruba sa climate action plan ng bansa para magkaroon ng resiliency and sustainability.
Dagdag pa ng CCC, mismong ang IPCC o ang Intergovernmental Panel on Climate Change na ang nagsabi na ang climate crisis ay nasa “existential threat stage” o lubhang mapanganib.
Pero lubhang mataas ang panganib sa developing countries katulad ng Pilipinas na mas pinaigting pa ng pagiging isang arkipelagong bansa nito at sa kanyang kinalalagyan na bahagi ng Pacific Ring of Fire kung saan aktibo ang mga bulkan, mga paglindol, at namumuo ang malalakas na bagyo.
Kailangan na ang Climate Action Plan para lalong mapalakas ang kahandaan ng bansa sa mga tumitinding epekto ng nagbabagong klima. Pero paglilinaw ng CCC, nasa maayos at “on the right path” ang mga plano ng Marcos’s administration.
Matatandaan na sa kanyang kauna-unahang SONA o State of the Nation Address ay isa ang paghahanda sa climate change sa mga binigyang-diin ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr.
Sabi pa ng CCC, nakikipag-ugnayan na sila sa Department of the Interior and Local Government na siyang mas nakaaalam ng bulnerabilidad ng mga lokal na pamahalaan pagdating sa nagbabagong klima.
Hindi na muna nila gustong ilabas ang listahan para maiwasan ang pagkalito at kaguluhan at dumaraan pa rin naman sa proseso ng patuloy na pag-aanalisa ang mga lugar.
Bahagi ng pag-uusap ng CCC at ng DILG ang maseguro na 100% na nagpapatupad ang LGUs ng kani-kanilang mga Local Climate Change Action Plan.
Ang 40 na lugar na highly-vulnerable areas ay ang pagtutunan ng pansin para sa “whole-of-the-government approach” para mabawasan ang malalang epekto sa ekonomiya.
Sa datos ng CCC, hanggang nitong December 31, 2022 ay nasa 1,397 na LGU na ang nakapagsumite ng kanilang mga local plan habang mayroong 1,715 sa buong bansa.
Para sa taong 2023, naglaan ang Department of Budget and Management ng pondong P453.1 billion pesos para sa climate change related expenditures.