MANILA, Philippines – DINALA ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila sa Delpan Evacuation Center ang nasa 40-pamilyang naapektuhan ng pagbagsak ng malaking puno ng balite upang gamitin nila ito bilang pansamantalang tuluyan hangga’t hindi pa sila naililipat ng permanente nilang matitirhan.
Kahapon, araw ng Huwebes, ay personal na nagsagawa ng inspeksiyon si Mayor Honey Lacuna-Pangan kasama sina Vice Mayor Yul Servo Nieto, City Engineer Arman Andres, Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Director Arnel Angeles, at Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Asuncion “Re” Fugoso sa mismong lugar na pinangyarihan ng trahedya sa Estero De Magdalena sa Binondo na nagdulot ng pagkasawi ng dalawa katao, kabilang ang dalawang taong gulang na batang lalaki.
Nabatid kay Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Mayor Lacuna-Pangan, binigyan na nila ng
food boxes ang mga apektadong pamilya habang inaalam na rin ng MDSW kung ilang pamilya ang kuwalipikadong mabigyan ng tulong pinansiyal.
Napag-alaman sa alkalde na kabilang sana ang mga naapektuhang pamilya sa pagkakalooban ng relokasyon subalit nabimbin bunga ng pandemyang dulot ng COVID-19.
Ayon naman kay Engr. Andres, may direktiba na sa kanila si Mayor Honey na makipag-ugnayan sa mga ahensiya ng pambansang pamahalaan upang lahat ng mga naninirahan sa gilid na estero na idineklarang mapanganib ay kailangan ng mailikas at mabigyan ng relokasyon, lalu na’t nalalapit na ang panahon ng tag-ulan.
Nabatid pa sa opisyal na may 26 na estero sa Lungsod ng Maynila na itinuturing na danger zone kaya’t iisa-isahin na nilang alisin at hahanapan ng malilipatan kung may mga naninirahan pa dito.
Samantala, namahagi naman ng mga grocery bag ang Philippine Gaming Corporation (PAGCOR) sa pangunguna ni Community Relations officer Eric Balcos sa libo-libong pamilya na naapektuhan ng naganap na sunog kamakailan sa Oroquieta St., Sta. Cruz, Maynila.
Matatandaan na sumiklab ang sunog sa No. 840 ¬Oroquieta St. Brgy. 310, Sta Cruz dakong alas-2:49 ng madaling araw nitong Mayo 14, 2023 kung saan nasa higit 1,200 pamilya ang nawalan ng tirahan. JAY Reyes