MANILA, Philippines – Tataas sa 40,000 indibidwal ang ililikas sa probinsya ng Albay sa loob ng dalawang araw sakaling itaas sa Alert Level 4 ang Bulkang Mayon sa gitna ng tumitinding pagligalig nito, sinabi ni Interior Secretary Benhur Abalos ngayong Miyerkules.
Sinabi ni Abalos na ang mga apektadong LGU ay naghahanda na para sa “extreme scenario” kahit na ang Bulkang Mayon ay nananatiling nasa Alert Level 3 dahil sa magmatic unrest.
“Once na mag-Alert Level 4 ito, nag-usap kami ng mga governor, they could evacuate up to 40,000, sabi nila, in a span of 48 hours. Magaling ang LGUs ng Albay, from the governor to the mayors, I’ve seen it myself,” dagdag pa ni Abalos.
Nitong Miyerkules, 15,502 indibidwal o 4,417 pamilya ang pansamantalang nananatili sa 22 evacuation centers, habang 659 katao o 185 pamilya ang naghahanap ng silungan sa labas ng mga evacuation center, batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
May kabuuang 37,231 indibidwal o 9,571 pamilya sa 26 na barangay sa Bicol Region ang naapektuhan ng aktibidad ng Bulkang Mayon.
Sinabi rin ng NDRRMC na nasa P33,640,219.14 na halaga ng tulong ang naibigay sa mga apektadong residente sa ngayon. RNT