MANILA, Philippines- Maghihintay pa ang 41 milyong Pilipino ng hanggang taong 2024 bago makuha ang kani-kanilang national ID.
Ito ang sinabi ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa mga senador, araw ng Lunes.
Winika ni National Statistician Dennis Mapa, isa ring civil registrar general at pinuno ng PSA sa Senate budget deliberations na mula sa bilang na 81 milyong Pilipino na nakapagparehistro para sa national ID system, tanging 39.7 milyon pa lamang ang nakatanggap ng ID cards.
Sinabi naman ni Senador Juan Edgardo Angara, nanguna sa budget request ng PSA na P8.9 bilyon para sa 2023, kahit siya man aniya ay naghihintay para sa kanyang physical card, may dalawang taon na aniya nang lumagda siya nito.
Ang pagkaantala aniya sa printing process ay dapat na mag-udyok sa PSA na ikonsidera ang paggamit ng digital version ng national IDs.
“In other countries, their (national) IDs are already in their mobile phones,” ang sinabi ni Angara kay Mapa.
Sa kabilang dako, sinabi naman ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, mayroong administrative supervision sa PSA, kay Angara na ang pagkumpleto sa printing at delivery ng physical IDs ay responsibilidad ng PSA.
Nang tanungin naman ni Senador Sherwin Gatchalian ang tungkol sa pagkaantala, sinabi ni Mapa na dahil ito sa pagkabigo ng pribadong supplier ng Bangko Sentral ng PIlipinas (BSP) na mag-manufacture ng IDs sa tamang oras dahil sa surge sa bilang ng registrants.
Idinagdag pa nito na ang contractor ng BSP na AllCard Inc. ay hindi makasabay sa bilang ng daily average registrants, na umabot na sa 250,000 noong 2021, lalo pa’t ang kapasidad nito ay 80,000 cards kada araw lamang.
Samantala sinabi naman ni Mapa na ang mga hindi pa nakatatanggap ng kanilang plastic cards ay binigyan ng kopya ng kanilang national ID na naka-print sa papel o e-PhilDs (electronic Philippine Identification System).
“The BSP and their service provider presented a catch-up plan, wherein they will clear all the (target) 92 million (IDs) by September 2024,” ayon kay Mapa.
Kapwa naman sinuportahan nina Gatchalian at Senador Ronald dela Rosa ang panukala ni Angara para sa pagsusulong na gumamit ang PSA ng “electronic copies” ng national IDs.
“The physical cards are prone to quality issues. With the digital cards, you can rectify it digitally,” ang sinabi ni Gatchalian.
Gayunman, sinabi ni Mapa na hindi naman lahat ng Pilipino na may edad na 15 pataas ay mayroong smartphones.
“And there are areas where we don’t have much (internet) connectivity,” dagdag na pahayag nito. Kris Jose