MANILA, Philippines- Nakauwi na sa Pilipinas ang 42 pang overseas Filipino workers (OFWs) at isang sanggol mula sa Israel nitong Martes.
Lumapag ang returning Filipinos sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 lampas alas-3 ng hapon sakay ng Etihad Airways flight EY425.
Ito ang ika-anim na batch ng OFWs na umuwi sa gitna ng umiiral na giyera sa pagitan ng Israel at Hamas militants, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Nitong Lunes, dumating sa bansa ang ika-limang batch ng repatriates, binubuo ng 22 Filipinos at isang sanggol. Kabilang sa kanila si Mary June Prodigo, kapatid ng napaslang na Filipino na si Grace Prodigo Cabrera, na iniuwi ang abo ng kanyang kapatid.
Alok sa kanila ang repatriation assistance package na tig-P50,000 mula sa Overseas Workers Welfare Administration upang tugunan ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya at tulungan silang makabalik sa kanilang normal na pamumuhay.
Sa kasalukuyan ay pumalo na ang kabuuang bilang ng returning OFWs sa 184. RNT/SA