Home METRO 42 pamilya hagip ng rumaragasang baha sa Davao City

42 pamilya hagip ng rumaragasang baha sa Davao City

DAVAO CITY – NASA 129 residente o 42 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos lumubog sa bahay ang ilang barangay makaraan umapaw ang Talomo-Lipadas River sanhi ng malakas na buhos ng ulan dulot ng easterlies o localized thunderstorms noong Miyerkules.

Ayon kay Franz Irag, information officer ng Office of the Civil Defense-11, lumubog ang mga bahay ng halos 42 pamilya sa Barangay Bago Aplaya, Barangay Ma-a, at Barangay Santo Niño.

Aniya, patuloy nilang susubaybayan ang sitwasyon sa mga nabanggit na barangay at nakikipag-ugnayan na rin sa pamahalaang lungsod at mga barangay.

Kasunod nito, namahagi na rin ng mga relief goods para sa mga apektadong pamilya.

Sinuspinde naman Mayor Sebastian Z. Duterte ang lahat ng klase sa lahat ng antas, sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa mga apektadong barangay, kabilang ang Bago Gallera, Bago Aplaya, Talomo Proper, Matina Aplaya, Ma-a, at Baliok sa Talomo District, at Santo Niño sa Tugbok Distrito.

Sinabi ni Duterte na tungkulin ng pamahalaang lungsod na pangalagaan ang kapakanan ng publiko at magsagawa ng mga hakbang upang maiwasan ang anumang kalamidad na maaaring dulot ng malakas na buhos ng ulan at kasunod na pagbaha./Mary Anne Sapico 

Previous articlePVL: Problema ng Gerflor hinahanapan ng solusyon
Next articleAzkals pangungunahan ni Neil Etheridge sa World Cup qualifiers