M’LANG, North Cotabato- Isinugod sa ospital ang 45 mag-aaral ng Palma Perez Elementary School sa bayang ito matapos malason sa kinain nilang maruya na sa halip na asukal ang gamitin ng tindera, tawas ang nailagay nito noong Lunes ng umaga.
Ayon kay M’lang Municipal Health Officer Dr. Jun Sotea, bandang alas-9:30 ng umagana oras ng recess ng mga bata kaya bumili ang mga ito ng kanilang meryenda sa mga nagtitinda sa paligid ng paaralan.
Karamihan sa mga bata na ang mga edad 7 at 12 ay mas piniling bumili ng maruya subalit makalipas ang ilang minuto ay nakaranas ng pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagkahilo.
Dahil dito, agad na isinugod sa ospital ang mga bata at 24-oras silang inobserbahan. Tatlumpi sa kanila ang nakalabas na ng ospital habang patuloy na inoobserbahan ang 15 pa.
Sinabi ni Sotea, lumabas sa kanilang pagsusuri na tawas ang nakalagay sa maruya sa halip na asukal na posibleng naging sanhi ng pagkalason ng mga bata.
Sa pahayag naman ni Punong Barangay Edward Borromeo, maaaring hindi sinasadya ng nagtitinda na gumamit ng tawas at napagkamalan niya ito ng asukal dahil 10 taon na rin itong nagtitinda sa paaralan.
Magugunitang noong 2019, 17 estudyante mula sa nasabing paaralan ang biktima rin ng pagkalason sa 3-day summer peace camp. Mary Anne Sapico