MANILA, Philippines- Pumalo na sa 45 katao ang bilang ng mga napaulat na namatay dahil sa masamang panahon bunsod ng nagsama-samang epekto ng low pressure areas, Northeast Monsoon, at shear line simula Enero 1.
Sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa kanilang situation report na, sa nasabing bilang, 20 ang kumpirmado habang 25 naman ang bina-validate.
Ang mga nasaktan ay nananatili naman sa 11 katao, dalawa mula sa nasabing bilang ay kumpirmado habang 9 naman ang bina-validate.
Bumaba naman sa 7 ang bilang ng mga nawawalang indibiduwal, isa ang kumpirmado habang 6 naman ang bina-validate.
Sinabi ng NDRRMC na 518,825 pamilya o 2,138,567 indibiduwal ang apektado sa 14 rehiyon.
Sa nabanggit na bilang, may 9,713 indibiduwal ang inalis at inilikas mula sa kanilang tahanan.
Samantala, may 14,405 ang nauna nang inilikas sa Mimaropa, Region 5, Region 7, Region 8, Region 9, Region 11, at Caraga.
Ang kabuuang bilang ng napinsalang bahay ay umabot sa 1,891 na may 1,328 partially damaged, at 563 totally damaged. TInatayang ang kabuuang halaga ng napinsalang bahay ay umabot sa P3,716,000.
Ang pinsala naman sa imprastraktura ay umabot sa P521,914,324.68 na mayroong 266 infrastructures.
Umabot naman sa P1,135,474,100.18 ang pinsala sa agrikultura.
Sa nasabing halaga, P62,044,897.50 ang tinatayang napinsala sa “livestock, poultry, at fisheries.”
Mayroon namang 47,318.50 magsasaka at mangingisda ang apektado.
Umabot naman sa 56,110.115 ektarya ang napinsalang pananim.
Mayroon namang 86 lugar ang inilagay sa ilalim ng state of calamity.
Sinabi naman ng State weather bureau na PAGASA na ang Northeast Monsoon (Amihan) at localized thunderstorms ay magdadala ng pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa, ngayong araw ng Sabado. Kris Jose