Home METRO 45,000 indibidwal nakadalaw na sa MNC, MSC

45,000 indibidwal nakadalaw na sa MNC, MSC

IPINAHAYAG ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila na nasa mahigit 45,000 katao na ang nakabisita sa dalawang pangunahing pampublikong sementeryo sa nasabing lungsod, ang North Cemetery (MNC) at ang South Cemetery (MSC) noong Linggo.

Ayon kay MNC Director Roselle “Yayay” Castañeda, nakapagtala sila ng 38,700 katao na bumisita sa North Cemetery habang nasa 6,850 katao naman ang naitala na bumisita sa South cemetery sa pagitan ng alas-5 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Nabatid na kasama ni Castañeda si Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan sa isinagawang inspeksyon sa MNC noong Lunes ng umaga, ilang sandali matapos bumoto sa Sampaloc District para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.

Kasabay nito, nanawagan si Lacuna sa publiko na bibisita sa mga nabangit na sementeryo na bigyang-daan ang mga senior citizen, persons with disabilities, buntis, at mga ina na may maliliit na bata sa pag-avail ng libreng e-trike services sa loob ng mga nasbaing kampo santo.

Pinaalalahanan din ni Mayora ang publiko na bawal magpasok ng kanilang sasakyan sa mga nasabing sementeryo, mga flammable materials tulad ng lighter at sigarilyo; gayundin ay ipinagbabawal ang mga matutulis na bagay tulad ng kutsilyo, bawal din ang baril, mga inuming alcohol, mga kagamitan sa pagsusugal, tulad ng mga card at bingo; at mga videoke machine o anumang sound system na nakakaistorbo sa ibang bumibisita sa kanilang mga namayapang mahal sa buhay.

Hinikayat din ni Lacuna ang publiko na panatilihing malinis ang kanilang paligid sa pamamagitan ng pagtatapon ng kanilang mga basura sa mga basurahan.

Ang North at South cemetery ay bukas sa publiko mula alas-5 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon. hanggang Nob. 2. Jay Reyes

Previous articleComelec sa bagong BSK officials: 3 rekisitos tuparin muna bago maupo sa pwesto
Next articleBI nagpaalala sa int’l travelers: Agahan pumunta sa airport