Home NATIONWIDE 452 OFWs na nawalan ng trabaho sa N. Zealand tinulungan ng DMW

452 OFWs na nawalan ng trabaho sa N. Zealand tinulungan ng DMW

MANILA, Philippines – Tinutulungan ngayon ng Department of Migrant Workers ang 452 overseas Filipino workers (OFWs) sa New Zealand na apektado ng kamakailang pagsasara ng kumpanyang kanilang pinagtatrabahuhan.

Sinabi ni DMW officer-in-charge Undersecretary Hans Leo Cacdac na ang departamento kasama ang Migrant Workers Office (MWO) sa Wellington, ang labor attaché, ang welfare officer mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at ang Department of Foreign Affairs, ay magkatuwang upang tulungan ang mga apektadong OFWs.

Nasa 700 OFW na nagtatrabaho sa construction at manufacturing sector sa ilalim ng ELE Limited ang nawalan ng trabaho matapos ipahayag ng kumpanya ang pagsasara nito.

Sinabi ni Cacdac na ang bulto ng mga displaced workers ay puro sa Auckland at sa Christchurch kung saan ang dating kumpanya ay may malalaking proyekto, habang ang mas maliit na bilang ng mga manggagawa ay nakakalat sa ibang mga rehiyon.

Aniya, tinutulungan din ng DMW ang humigit-kumulang 14 na manggagawa ng ELE Limited na nasa Pilipinas para magbakasyon nang ipahayag ang pagsasara.

Sinabi ni Cacdac na nakatanggap sila ng mga ulat na ilang mga employer sa New Zealand ang nagpahayag ng interes sa pagpapatrabaho sa mga displaced OFWs, at ang opisina ng labor attaché ay nagsusumikap ngayon na i-refer ang mga manggagawa sa mga bagong employer.

Aniya, lumahok din ang MWO sa isang jobs fair kamakailan na inorganisa ng isang Filipino non-government organization upang mapadali ang trabaho para sa mga displaced ELE Limited employees.

Sa kabila ng pagsasara na nakaapekto sa mga OFW, tiniyak ni Cacdac na ang New Zealand ay nananatiling viable destinatio para sa mga OFW.

Ayon pa kay Cacdac, wala silang natatanggap na anumang ulat na nagsasabing apektado ang ekonomiya ng New Zealand na ibig sabihin atly walang partikular na travel restriction papunta sa New Zealand.

“From the DMW point of view, we will continue to process workers who have obtained the necessary permits, DMW clearances and immigration documentation for New Zealand,” saad pa ni Cacdac. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)

Previous articleCyberlibel case ng Naga mayor vs supporter ni ex-VP Leni binasura
Next article‘Damo’ nasinghot ng K9 sa pasahero