MANILA, Philippines – Makaka-apekto umano sa humigit-kumulang 47,000 overseas Filipino workers (OFWs) ang desisyon ng gobyerno na ipagbawal ang deployment ng mga first-time domestic helpers sa Kuwait.
Ang pagtaya ng ahensya ay batay sa bilang ng mga Filipino domestic helpers na pumasok sa trabaho sa Kuwait noong 2022, ayon kay Undersecretary Hans Leo Cacdac.
Sinabi ni Cacdac sa press briefing sa Laging Handa na mananatili ang ban hanggang sa makakita ng “reporma” ang gobyerno ng Pilipinas para sa mas malakas na proteksyon ng mga OFW sa Gulf state, kasunod ng pagpatay sa domestic helper na si Jullebee Ranara noong nakaraang buwan.
Si Ranara, 34, ay iniulat din na ginahasa at sinunog saka inilibing sa disyerto ng Al Salmi ng 17-anyos na anak ng kanyang amo, na kalaunan ay inaresto.
Aniya ang deployment ban ay para sa mga first-time OFWs dahil kinokonsidera silang “most vulnerable” sa pang-aabuso at mas hirap sa pag-aadjust sa kanilang bagong kapaligiran.
Ayon kay Cacdac, nais ng gobyerno na makakita ng mga hakbang para sa mas epektibong pagsubaybay sa kapakanan ng mga OFW, tulad ng mga orientation campaign o seminar para sa mga manggagawa at employer sa Kuwait upang mas maintindihan aniya nila ang ating kultura, kaugalian at bawasan ang hindi pagkakaunawaan.
Dagdag pa niya, ito ay bahagi ng mga reporma na inaasahan bago maalis ang pagpapaliban ng OFW deployment. Jocelyn Tabangcura-Domenden