MANILA, Philippines – Binabantayan na ng Philippine National Police (PNP) ang tatlong aktibong private armed groups (PAG) at 45 potensyal na PAGs sa papalapit na barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE).
“The PNP is also continuously monitoring the activities of three active private armed groups and 45 potential PAGs that may mobilize for the 2023 barangay and SK elections in October,” pahayag ni PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr.
Sinabi naman ni PNP public information office chief Brigadier General Redrico Maranan na target ng mga awtoridad na magkasa ng intelligence-driven law enforcement operations laban sa PAGs katulad ng pag-aresto at pagkumpiska ng mga armas.
“Kung sa pagtaya ng ating mga ground commander ay kailangan magkaroon ng search warrant operations para makuha natin ‘yung iligal na armas sa kanilang pag-iingat,” pagbabahagi ni Maranan sa mga mamamahayag.
“Kung sila naman ay may warrant of arrest, ‘yung mga members ng PAGs na ‘yan, ay huhulihin natin ‘yan,” dagdag pa niya.
Paiigtingin din ng PNP ang operasyon nito laban sa illegal firearms kasabay ng election period.
Ani Maranan, ang mga PAGs na ito ay maaaring gamitin ng mga tiwaling indibidwal na may kinalaman sa paparating na halalan.
“Sisiguruhin natin sa susunod na eleksyon ay magiging tahimik at mapayapa,” aniya. RNT/JGC