Home METRO 5 bebot timbog sa droga

5 bebot timbog sa droga

279
0

MANILA, Philippines – Nalambat ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang limang babae kasama ang isa pang lalaki sa ikinasang drug bust operation sa may Quiapo, Maynila madaling araw ng Linggo.

Kinilala ang mga naaresto na sina Jennifer Guarte, 43, vendor, miyembro ng Sputnik Gang, nakatira sa Sika St., Quiapo; Carol Bolaes, 49, ng Bacoor, Cavite; Joy santi, 45, Bacoor, Cavite; Neme Torrefiel, 46, ng Bacoor, Cavite; Mayjane Julian, 27, ng Dasmarinas, Cavite; at Dionisio Reyes, 46, ng Bacoor, Cavite.

Nakatanggap umano ng impormasyon ang Sta. Cruz Police Station 3, mula sa kanilang mga asset sa nagaganap na transaksyon sa iligal na droga sa may kanto ng Carlos Palanca St., at Quezon Boulevard, sa Brgy. 306, Quiapo.

Dakong alas-2:30 ng madaling araw nang magkasa ng operasyon ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit. Nagmanman muna ang mga pulis sa mga piling puwesto hanggang sa magpositibo ang nagaganap na transaksyon sa hilera ng mga nakaparadang sasakyan sa lugar.

Dito nagbigay ng hudyat ang pinuno ng grupo at pinaligiran ang mga suspek saka nagpakilala na mga pulis. Hindi na nakapalag ang mga suspek nang masukol sila. Narekober sa mga suspek ang pitong plastic sachet na naglalaman ng tinatayang anim na gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P40,800.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA 9165 o Compprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang hinihinalang tulak na si Guarte habang paglabag sa Section 11 o possession of illegal drugs ang inihain laban sa iba pang naaresto na dumayo lang sa Maynila. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleMinorya sa Kamara bukas sa paggamit ng nukleyar
Next article#Walangtubig sa ilang bahagi ng Parañaque, Pasay

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here