MANILA, Philippines – NAGPAHAYAG ng pagkabahala si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco makaraang umabot na sa kabuuang limang registered sex offenders (RSO) ang naharang ng mga immigration officers sa iba’t-ibang daungan sa bansa sa loob lamang ng isang linggo.
Ayon sa BI, hinarang noong Agosto 30 sa Davao International Airport (DIA) si American national Neil David Laursen, 55, na dumating mula sa Singapore sakay ng Singapore airlines flight.
Kinabukasan, hinarang din ng mga opisyal sa Mactan Cebu International Airport (MCIA) ang pagpasok ng British national na si Antonio Stephen Albert Costa, 58, sakay ng Emirates flight mula Dubai.
Noong Setyembre 1, isa pang Amerikanong kinilalang si Benancio Vasquez, 57, ang hinarang din sa MCIA matapos dumating mula Incheon, South Korea sakay ng Korean Airlines flight.
Noong Setyembre 4, si Troy Delbert Houk, isa ring Amerikanong lumipad mula sa South Korea, ay pinigil ng mga awtoridad sa imigrasyon pagkatapos ng kanyang pagbaba mula sa isang flight ng Asiana Airlines.
Panghuli, noong Setyembre 5, naharang ang American national na si Kevin Crispe matapos dumating mula Taipei sakay ng China Southern Flight.
Napag-alaman na ang lahat ng nasbaing dayuhan ay may rekord na sex offenders sa kani-kanilang bansa.
“A registered sex offender is a person who has been convicted of sex crimes, who are required to register following their country or state’s laws,” saad ng BI.
“With the return of tourism also comes the return of aliens who will try to abuse our hospitality,” ani Tansingco.
“We warn these predators not to attempt to enter the country, as we have close coordination with different governments, who provide us information about sex offenders that might attempt to enter the Philippines,” dagdag pa ng opisyal.
Sa ilalim ng Philippine Immigration Act of 1940, ang mga nahatulan ng krimen na may kinalaman sa moral turpitude, na kinabibilangan ng mga sex offenders, ay hindi karapat-dapat na makapasok sa bansa. JAY Reyes