MANILA, Philippines – Lima pang indibidwal mula sa nilusob na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Pasay noong Agosto ang naghain ng “not guilty” plea sa korte.
Ayon kay Atty. Gloria Quintos, naghain ng “not guilty” ang lima sa paglabag sa Republic Act (RA) 8799 o Securities Regulation Code in relation to RA 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012 sa Las Piñas Regional Trial Court Branch 111 sa pamamagitan ng video conference.
“Natapos na yung arraignment nung lima which was deferred last time and then we proceeded with the pre-trial,” sinabi ni Quintos, legal counsel ng 18 respondents sa naturang kaso.
Matatandaan na noong nakaraang linggo ay nasa 23 POGO workers ang isinakdal sa korte.
Nangangahulugan ito na 28 sa 29 na akusado sa kaso ang isinakdal na habang isa ang nawawala pa rin.
Ani Quintos, ang trial proceedings ay magsisimula sa Setyembre 27, kung saan inaasahang magpipresenta ng 82 saksi ang prosekusyon.
“Since the prosecution said they have 82 witnesses and the trial set is for next September 27, we will proceed with the initial trial,” aniya.
Sa pagrerekomenda ng paghahain ng reklamo, sinabi ng Department of Justice (DOJ) na may mga nakuhang ebidensya ang National Bureau of Investigation na sangkot ang naturang POGO sa “fraudulent activities, particularly in the realms of tasking and recharging scams.”
Samantala, tumanggi namang magkomento si Quintos, kaugnay sa nawawalang kliyente.
Ayon sa aboado, sinabihan siya ng mga awtoridad na wala na sa kanilang kustodiya ang isa sa kanyang mga kliyente.
Binuo na ang tracker team para sa paghahanap sa nawawalang Chinese national. RNT/JGC