Home HOME BANNER STORY 5 patay, 21 sugatan sa pagsabog sa warehouse sa Zamboanga

5 patay, 21 sugatan sa pagsabog sa warehouse sa Zamboanga

MANILA, Philippines – Patay ang limang indibidwal habang sugatan ang 21 iba pa matapos ang pagsabog sa isang warehouse sa Barangay Tetuan, Zamboanga City nitong Sabado ng hapon, Hunyo 29.

Ayon kay P/Col. Kimberly Molitas, City Police Director, dalawa sa mga nasawi ay mga bata.

Inilagay na sa body bag ang mga bangkay ng mga nasawi habang dinala naman sa iba’t ibang pagamutan ang mga sugatan.

Ang warehouse ay pinaniniwalaang imbakan ng mga paputok.

Hindi naman alam ni Tetuan Barangay Kagawad Sonyboy Jalani at ng mga opisyal ng barangay na mayroong warehouse ng mga paputok sa lugar.

Hinimok niya ang mga awtoridad na masinsinang imbestigahan ang insidente.

Sa lakas ng pagsabog ay nasira ang pader ng warehouse at mga kalapit na tirahan. Nagtumbahan din ang ilang poste ng kuryente sa lakas ng impact nito.

Ito na ang ikatlong insidente ng pagsabog sa loob ng warehouse sa Zamboanga City. RNT/JGC