MANILA, Philippines- Limang indibidwal ang sugatan kabilang ang tatlong tumatawid sa kabilang kalye at dalawang rider ng motorsiklo, sa karambola ng apat na sasakyan sa Tondo, Manila nitong Martes ng umaga.
Sugatan sa banggaan ang dalawang rider ng TMX na motorsiklo na isinugod sa Mary Johnston Medical Center at sa Tondo General Medical Center, maging ang tatlo pang tumatawid sa kabilang kalye.
Samantala, isinailalim sa imbestigasyon ng Manila District Traffic Enforcement Unit ( MDTEU) ang isang Peter Gerald Carolino, 36-anyos, binata, ng Perla Street, Tondo.
Base sa ulat na isinumite ni Police Master Sargent John Mark Bautista kay Police Major Jaime Gonzales, hepe ng Investigation ng MDTEU, bandang alas-6:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa Eastbound lane ng Moriones sa panulukan ng Jose Abad Santos Street, Tondo.
Sa report ng pulisya, habang tinatahak ng Mitsubishi Montero na minamaneho ni Carolino ang Moriones Street, bigla nitong nabangga ang dalawang motorsiklo at isang Isuzu truck na minamaneho ni Cedric Cunanan.
Nabatid sa report ng pulisya na nakatulog umano si Carolino habang nagmamaneho.
Dahil dito, nahaharap sa kaukulang kaso si Carolino at ksalukuyangnasa kustodiya ng MDTEU. Rene Crisostomo