MANILA, Philippines – Sugatan ang limang indibidwal, kabilang ang dalawang fire volunteer, habang 300 pamilya naman ang nawalan ng tirahan matapos masunog ang dalawang palapag na residential shanty Sabado ng hapon (Hulyo 8) sa Parañaque City.
Kinilala ni Parañaque City Bureau of Fire Protection (BFP) Fire Marshal Supt. Eduardo A. Loon ang mga sugatang biktima na sina fire volunteers Alfie Legaspi, 37 na nahirapang huminga at si Justin Ray Drapon, 16, na nagtamo naman ng sugat sa kaliwang kamay; at ang tatlo pang residente sa lugar na sina Elmer Almodin, 58, at Jenny M. La Torre 18, na parehong nahirapang huminga at Ricardo Docinbac, 40, na nagtamo naman ng sugat sa kaliwang kamay.
Base sa report na natanggap ni Loon, nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng bahay na nakatayo sa 3,000 metro/kudradong lupa na pagmamay-ari ng isang Mylene Antipuesto at ng kanyang pamilya na matatagpuan sa 1314, Lorenzana Compound, Coastal, Brgy. San Dionisio, Parañaque City.
Ayon kay Loon, naitala ang unang alarma dakong alas 3:10 ng hapon na umabot ng ika-apat na alarma ng 3:34 ng hapon.
Naideklara ang fire under control ng 5:32 habang ang fire out naman ay idineklara ng 5:32 ng hapon.
Umabot sa P750,000 ang halaga ng napinsalang ari-arian sa naturang sunog.
Patuloy namang iniimbistigahan ng mga imbestigador ang dahilan ng sunog na ikinaapekto ng mahigit 480 indibidwal. (James I. Catapusan)