Home NATIONWIDE 5-year mental health framework ng DOH, pinuri ni Bong Go

5-year mental health framework ng DOH, pinuri ni Bong Go

MANILA, Philippines – PINURI ni Senador Christopher “Bong” Go ang bagong lunsad na 2024-2028 Philippine Council for Mental Health (PCMH) Strategic Framework ng Department of Health (DOH), isang komprehensibong plano na tutugon sa mental health issues sa bansa.

Ayon sa senador, ang kalusugan ng isip ay isang mahalagang bahagi ng holistic health na kailangang tratuhin gaya ng pangangalaga sa pisikal na kalusugan.

“Hindi natin maaaring balewalain ang kalusugan ng kaisipan, lalo na sa mga hamon sa panahong ito. Maraming Pilipino ang nakikipagbuno sa mga isyu sa kalusugan ng isip, at napakahalaga na maglaan tayo ng sapat na pondo para sa mga programang ito,” dagdag ni Go.

Ang PCMH Strategic Framework ay idinisenyo upang hubugin ang mga patakaran sa mental health. Inendorso ng World Health Organization (WHO) Special Initiative for Mental Health, prayoridad ng framework ang mas mahusay na sistema ng patnubay at referral para sa mga pasyente, upang magtatag ng isang internal oversight board para sa mga usapin sa kalusugan ng isip. Tuturuan din ang mga organisasyon ng media sa responsableng pag-uulat sa konteksto ng mental health.

Matagal nang itinataguyod ni Go ang mga inisyatiba sa kalusugan ng isip. Sa isang pagdinig noong nakaraang buwan, binigyang-diin niya ang pangangailangang bigyan ng sapat na pondo ang mga programa sa mental health.

Binigyang-diin din niya na ang panukalang budget para sa DOH ay nabawasan ng mahigit 10 bilyong piso kumpara sa kasalukuyang taon.

“Kailangan nating ibalik at ilaan ang mga pondo para sa iba’t ibang mga programa. Ineendorso ko ang karagdagang pondo para sa DOH at hinihimok ang sama-samang pagkilos upang mamuhunan nang higit pa sa pangangalagang pangkalusugan,” ani Go.

“Bilang chairman ng committee on health, naniniwala ako na ang pisikal, emosyonal, at mental na kalusugan ay pare-parehong mahalaga. Patuloy kong susuportahan ang mga hakbang na magpoprotekta at magtataguyod sa iba’t ibang aspeto ng kalusugan sa kabuuan,” ayon sa senador. RNT

Previous articleLalaki arestado sa kabi-kabilang kaso ng sextortion
Next articleBloodless war vs illegal drugs OK sa solon