
MANILA, Philippines – Manageable pa ang admissions sa mga pribadong ospital sa kabila ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19, ayon sa Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) sa isang pahayag noong Sabado.
“Sa ngayon, manageable pa ang mga admission sa mga pribadong ospital pero medyo gradual, continuous ang pagdating ng pasyente. Hopefully, hindi ito mag-translate sa full occupancy,” ani PHAPI president Dr. Jose Rene de Grano sa isang panayam sa Super Radyo dzBB.
Sinabi ni De Grano na umabot na sa 50% ang occupancy rate sa ilang ospital, pero karamihan ay mas mababa sa 20%.
Sinabi ni De Grano na ang mga miyembro ng PHAPI ay patuloy na nagpapatupad ng mga paghihigpit sa pagbisita na ipinatupad simula ng pandemya.
Noong Biyernes, mayroong 2,106 bagong kaso ng COVID-19 ang naitala sa Pilipinas, samantalang ang aktibong kaso ay umabot sa 16,577.
Ito ay ang pangalawang araw na mayroong higit sa 2,000 na bagong kaso ng COVID-19. RNT