MANILA, Philippines- Mula sa P10,000 ay dapat itaas ng 500% o nasa P50,000 ang dapat na ibayad na government compensation o danyos sa mga biktima ng rape at iba pang bayolenteng karahasan, ayon kay Quezon City Representative Marvin Rillo.
Layon ng House Bill 5029 na inihain ni Rillo na maamyendahan ang Republic Act (RA) No. 7309 o ang ‘An Act creating a Board of Claims under the Department of Justice for victims of unjust imprisonment or detention and victims of violent crimes and for other purposes”. Nang maipatupad ang nasabing batas noong 1992, nagbigay-daan ito para mabuo ang Victims Compensation Program (VCP) kung saan nasa P10,000 ang maaaring matanggap ng mga biktima.
Ngunit giit ng solon, lubha na itong mababa at hindi akma sa panahon.
“The P10,000 top limit per claim has remained the same for the last three decades despite massive erosion due to rampant inflation. Congress must now upgrade the ceiling to reflect the changing times,” paliwanag ni Rillo.
Ang binabayad na danyos ay bilang tulong ng pamahalaan sa biktima ng karahasan partikular na sa kanilang medical treatment at iba pang pangangaiangan resulta ng tinamong pinsala.
Samantala pinatataas din ni Rillo sa P100,000 kada taon ang danyos sa mga biktima ng unjust imprisonment at maging sa arbitrary o illegal detention. Gail Mendoza