MANILA, Philippines – Sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Miyerkules na nasa 50,000 public utility vehicle drivers pa lamang ang na-endorso sa Landbank of the Philippines para sa crediting ng kanilang fuel subsidies.
“May 50,000 na po kaming in-endorse sa kanila para mai-credit po nila,” said LTFRB executive director Robert Peig in a press conference. “Ipa-process na po nila (Landbank) yung pag-credit po ng fuel subsidy sa kanilang mga card.”
Sinimulan ng ahensya noong Miyerkules ang pamamahagi ng ₱3-bilyong fuel subsidy sa 1.36 milyong transport workers. Ngunit ilang benepisyaryo ang hindi pa nakakatanggap ng mga subsidyo sa kanilang mga account.
Sa ilalim ng fuel subsidy program, ₱10,000 ang ibibigay sa mga modernized PUV drivers; ₱6,500 para sa mga tsuper ng tradisyonal na four-wheel PUVs; ₱1,200 para sa mga delivery riders; at ₱1,000 para sa mga tricycle driver.
Sinabi ng LTFRB na depende sa Landbank kung gaano kabilis nila mailipat ang pera sa lahat ng benepisyaryo.
“So nasa processing na po ng Landbank ‘yun, how fast can they credit the money to the individual accounts of the operators,” ani LTFRB chief Teofilo Guadiz.
Bukod dito, sinabi ng LTFRB na nagmungkahi sila ng ₱2.5 bilyon na budget para sa fuel subsidy program sa susunod na taon.
Ang mga kumpanya ng gasolina noong Martes ay nagpatupad ng panibagong yugto ng pagtaas ng presyo ng langis sa ika-10 sunod na linggo. Ang kada litro ng presyo ng gasolina at kerosene ay tumaas ng ₱0.20 at ng diesel ng ₱0.40. RNT