Parañaque – Umabot sa 517 estudyante at out-of-school youths (OSYs) sa Parañaque ang napiling benepisyaryo sa paglulunsad ng programang Special Program for Employment of Students (SPES) nitong nakaraang Miyerkules (Hulyo 5) sa Old San Dionisio gym.
Sinabi ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez na ang SPES program ay inilunsad sa pakikipagkoordinsasyon sa Public Employment Service Office (PESO) at Department of Labor and Employment-Muntiparlas Field Office.
Ang 517 benepisyaryo ng SPES na nasa pagitan ng 18 hanggang 29 taong gulang ay nagmula sa 16 barangay sa lungsod.
Ang mga napiling benepisyaryo na mga estudyante at OSYs ay ang mga may planong magpatuloy ng kanilang pag-aaral sa darating na pasukan ng eskwela.
Ayon kay Olivarez, ang mga benepisyaryo ay itinalaga sa iba’t-ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan sa lungsod ng hanggang 30 araw kung saan ang mga ito ay tatanggap ng P570 kada araw hanggang Hulyo 14 at itataas ang kanilang matatanggap na suweldo ng P610 simula ng Hulyo 15.
Kasabay nito ay pinasalamatan din ni Olivarez ang DOLE-Muntiparlas Field Office na pinamumunuan ni Director Jun Castillon sa kanyang patuloy na koordinasyon at suporta sa lokal na pamahalaan.
Dagdag pa ni Olivarez na ang SPES program ay makatutulong sa mga estudyante na makakuha ng ekspiryensya sa pagtatrabaho na kanilang pwedeng gamitin bilang reperensya sa kanilang pag-aaplay ng trabaho sa mga darating na panahon. (James I. Catapusan)