MANILA, Philippines- May bagong mga truck ng bumbero ang Local Government Units (LGUs) sa buong bansa.
Ito’y matapos na i-turn over ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang 56 units ng truck ng bumbero sa Bureau of Fire (BFP).
Sinabi ng DILG na ang mga truck ng bumbero ay ipamamahagi sa Ilocos Region, anim na unit; Cagayan Valley, tatlo; Central Luzon, lima; Calabarzon, pito; Mimaropa, apat; Bicol, tatlo; Western Visayas, tatlo; Central Visayas, apat; Eastern Visayas, dalawa; Zamboanga Peninsula, apat; Davao Region, apat; Soccsksargen, lima; Cordillera Administrative Region, dalawa; at Northern Mindanao, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, National Capital Region, at Caraga, tig-iisa.
Ang bawat truck ng bumbero ay mayroong kumpletong set ng “personal protective equipment at breathing apparatus, hoses at nozzles, foam generating nozzle na may alcohol-resistant – aqueous film forming foam,” at iba pang tools at accessories ng bumbero na ginagamit sa tamang pag-apula ng apoy o tamang fire service standards na madaling ibagay sa kondisyon ng bansa.
Sa kabilang dako, sinabi ni DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. na ang truck ng bumbero ay kabilang sa 94 units ng 1000-gallon capacity fire trucks sa ilalim ng 2022 BFP procurement plan.
Mayroon pang 63 units at iba pang modern equipment ang inaasahan na ipo-procure ngayong taon.
“Ang pamamahagi ng mga makabago at state-of-the-art fire trucks na ito ay isang testamento na pangunahing prayoridad ng ating Pangulong (Ferdinand R.) Marcos (Jr.) at ng DILG ang kaligtasan ng ating mga pamayanan at ng mga mamamayan,” ayon kay Abalos sa isinagawang turnover ceremony sa BFP headquarters sa Quezon City, araw ng Biyernes.
Gayundin, tiniyak nito na ipagpapatuloy naman ang pagpapahusay sa kasanayan ng mga bumbero para patunayan ang nilalayon ng BFP na pagiging “fully capable” upang matiyak ang isang “fire-safe nation.”
“With the modern equipment we are providing our BFP, let us remember that our equipment is only as effective as the individual who runs it,” ayon kay Abalos. Kris Jose