MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) 7 (Central Visayas) nitong Sabado, Oktubre 28 na naipamahagi na nito ang P12.7 milyong halaga ng financial assistance sa mga residente ng Dumaguete City ngayong linggo sa kabila ng pangamba na baka ma-politika ito.
Ayon kay DSWD-7 Director Shalaine Lucero, ang payout ngayong linggo na ginanap sa iba’t ibang barangay ay bahagi ng P4 bilyon DSWD funds na salop ng exemptions sa ilalim ng Commission on Elections (Comelec) ban.
“What we are doing right now is covered under the Comelec exemption under two resolutions, namely No. 07512 released last September and No. 08647, which indicates that the DSWD’s routine services, activities, and programs are exempted,” sinabi ni Lucero.
“The giving of financial assistance for burial, medical, education, transportation, and other needs are covered by those exemptions.”
Mahigit P12.7 milyong halaga ng financial assistance ang naipagkaloob sa 6,353 residente sa lungsod na may tig-P2,000 kada isa.
Sakop ng paglalabas ng payout ang October 20-30 period.
Ang pahayag ni Lucero ay kasunod ng mga reklamo ng ilang residente na pinopolitika ang pamimigay ng ayuda at pili lamang na mga benepisyaryo ang nakatatanggap nito dahil pinipili umano ng mga opisyal ng barangay.
Ipinaliwanag niya na walang kontrol ang DSWD kung sino ang mga matutukoy na benepisyaryo.
Sa kabila nito, biniberipika pa rin ng social workers ang mga aplikante bago ito tuluyang ilista para sa ayuda.
Maaari naman umanong magreklamo ang sinuman kung may “misuse” o pang-aabuso sa pamimigay ng ayuda ng pamahalaan para maimbestigahan.
Samantala, iginiit ni Comelec acting provincial election supervisor Eliseo Labaria, na hindi nila maaaksyunan ang reklamo kaugnay sa distribusyon ng ayuda dahil wala pang nakararating na impormasyon sa kanila kaugnay nito. RNT/JGC