Home METRO 6.7% pagtaas sa traffic volume sa EDSA naitala ng MMDA bago mag-Undas,...

6.7% pagtaas sa traffic volume sa EDSA naitala ng MMDA bago mag-Undas, Pasko

MANILA, Philippines – Ibinahagi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Biyernes, Oktubre 20 na nakapagtala sila ng pagtaas sa dami ng mga sasakyan na bumibiyahe bago ang Undas at Christmas season.

“Sa ngayon pa lamang po um-increase na ang volume ng vehicle lalong lalo na noong nagsimula ‘yung face to face classes,” pahayag ni MMDA chairman Don Artes sa press conference.

Ayon kay Artes, nasa 14% pagtaas ang naitala sa Ortigas Avenue, 6.7% sa EDSA, at 15% sa Aurora Boulevard.

“‘Yan po ‘yung ilan lamang sa piling kalsada kung saan considerably nag-increase ‘yung volume ng traffic,” ani Artes.

Dahil dito, hinimok ni Artes ang publiko na gumamit ng alternative public modes ng transportasyon.

“Lahat po ng alternatibong modes of transport ay dapat po nating gamitin para po ‘wag na tayo magdala ng sasakyan at makabawas din tayo sa volume ng traffic,” sinabi pa ng opisyal.

Kabilang sa pampublikong transportasyon ay ang Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) systems, Edsa Bus Carousel, at maging ang Pasig Ferry.

Sinabi pa ni Artes na handa na umano ang pamunuan ng MRT at LRT sa dagsa ng mga pasahero sa paparating na holiday season.

“‘Yung atin din pong bus carousel very efficient, so kung pwede po iwan ang sasakyan somewhere at gamitin na lang ang public transportation, mas mabuti,” aniya.

“Ganoon din po ine-encourage namin na ‘yun pong ating Pasig ferry – libre, convenient, walang traffic,” pagtatapos nito. RNT/JGC

Previous articlePulis na bumaril sa hostage taker ni De Lima, bagong SPD chief
Next articlePagbubukas ng ballot boxes mula sa 2022 poll itutuloy ng Comelec