Home HOME BANNER STORY 6 akusado sa ‘missing sabungeros’ pinayagang magpyansa

6 akusado sa ‘missing sabungeros’ pinayagang magpyansa

MANILA, Philippines – Pinayagan ng Manila Regional Trial Court na makapaglagak ng piyansa ang anim na akusado sa nawawalang mga sabungero, ayon kay Senior Deputy State Prosecutor Richard Fadullon nitong Biyernes, Disyembre 15.

Sa panayam ng GMA News Online kay Fadullon nasa P3 milyon bawat isa—P500,000 para sa bawat kaso ng nawawalang sabungero—ang itinakda ng korte.

Kabilang sa mga akusado sina Julie Patidongan, Gleer Codilla, Mark Carlo Zabala, Virgilio Bayog, Johnny Consolacion, at Roberto Matillano Jr.

Ang anim ay nahaharap sa anim na bilang ng kidnapping at serious illegal detention dahil sa pagkawala ng mga sabungero na sina John Claude Inonog, Rondel Cristorum, Mark Joseph Velasco, Rowel Gomez, at magkapatid na James Baccay at Marlon Baccay.

Ayon kay Fadullon, hindi napatunayan ng prosekusyon ang tatlo sa apat na elemento na kailangan upang ipakita kung ang isang indibidwal ay kinidnap o iligal na ikinulong.

“Kasi ang huling alam lamang ng testigo is that nakita niyang sinasakay doon sa loob ng mga van. At nung tinanong sila kung may pumwersa, pananakot, o sila ay tinutukan habang ginagawa ito, wala naman daw silang nakita na ganon,” aniya sa interbyu.

Binigyan din aniya ng bigat ng korte ang pag-atras ng mga pamilya sa kaso.

“Mabigat ‘yung pag urong kasi parang lalabas doon sila naman ‘yung mga principal complaints, sila ‘yung merong magulang doon na nakausap habang nangyayari ‘yung nangyari,” ani Fadullon.

“So naturally kung halimbawang iuurong nila, ibig sabihin hindi na rin magsasalita, hindi na rin tetestigo, yung mga kamaganak na iyon,” paliwanag pa niya.

Sa kabilang banda, ani Fadullon na maaari pa ring maghain ng motion for reconsideration ang prosekusyon, ngunit hindi nito mapipigilan ang proseso ng piyansa ng mga akusado.

Ang susunod na pagdinig ay itinakda sa Pebrero para sa paglalahad ng ebidensya ng prosekusyon. RNT

Previous articleKahit may COVID-sirit; situwasyon ‘manageable’ pa – Herbosa
Next articleMga kasambahay sa NCR may P500 dagdag-sahod