Home METRO 6-anyos patay sa sunog sa Antipolo

6-anyos patay sa sunog sa Antipolo

MANILA, Philippines – Patay ang isang anim na taong gulang na bata sa sunog na sumiklab sa isang residential area sa Antipolo City nitong Sabado ng gabi, ayon sa Antipolo City Fire Station.

Samantala, nasugatan naman ang ama ng bata.

Nagsimula ang sunog alas-9:31 ng gabi sa isang residential area sa Barangay Cupang.

Nasa labas ng bahay ang mga magulang habang ang bata ay naiwan sa loob nang mangyari ang insidente, ayon sa imbestigasyon.

Naipit ang biktima sa loob ng nasusunog na tahanan at hindi na nakalabas.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog bago ito naapula ng mga bumbero alas-11:01 ng gabi.

Apatnapung bahay ang naapektuhan, kung saan 50 pamilya ang nawalan ng tirahan.

Sinabi ng Bureau of Fire Protection (BFP) Antipolo na posibleng kandila ang nagdulot ng apoy dahil walang kuryente ang bahay ng biktima.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang BFP sa insidente. Santi Celario

Previous articleRegalong may laman na P200K droga nasabat ng pulisya
Next articleMaulang Noche Buena mararanasan sa ilang lugar