CAGAYAN- Arestado ang anim na indibdiwal matapos salakayin ng mga ahente ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang refilling gas plant bitbit ang search warrant, iniulat kahapon sa bayan ng Enrile.
Kinilala ni Police Brig. Gen. Romeo Caramat, Jr., CIDG director, ang mga nadakip na suspek na sina Jay Divina Nicolas, 31; Gerry Dagan Ortiz, 29; Christopher Macarubbo Elacion, 23, lahat ay LPG re-fillers; Annabelle Esteban Domingo, 51, Supervisor; Erwin Guerero Bañares, 32, driver; at Jerwin Lupani Mahinay, 31, helper lahat ay nagtatrabaho sa C-Gas Refilling Plant na matatagpuan sa Brgy. Roma Norte, ng naturang bayan.
Nakumpiska rin ang mga abandonadong Isuzu truck na may kargang 7 pirasong Petron Gasul cylinder Pol valves, 6 Fiesta cylinders, 11 Petron Gasul cylinders, 12 repainted Solane cylinders, at 2 Solane cylinders na pawang mga walang laman.
Ang mga nakumpiskang ebidensya ay umabot sa halagang P1,529,300.
Sinabi ni Caramat na nag-ugat ang operasyon sa mga reklamo ng mga lehitimong distributor ng mga produktong petrolyo laban sa C-Gas Refilling Plant dahil umano sa adulteration, pagbebenta, at pamamahagi ng mga produkto.
Nahaharap ngayon sa tatlong kasong criminal ang mga naarestong suspek. Mary Anne Sapico