MANILA, Philippines- Anim na kabahayan ang tinumpok ng apoy na nagresulta ng kawalan ng matitirahan ng 10 pamilya sa Muntinlupa City nitong Martes (Nobyembre 7).
Base sa report na isinumite kay Fire Marshal Supt. Jeffrey Atienza ng Muntinlupa City Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog dakong alas-7:28 ng umaga sa 7A Ilaya, Barangay Alabang sa lungsod.
Itinaas ang unang alarma dakong alas-7:34 ng umaga at sinundan ito ng ikalawang alarma ng pagsapit ng alas-7:45 ng umaga.
Wala namang naiulat na namatay o nasugatan sa naturang sunog na idineklarang fire out ng alas-8:25 ng umaga.
Naitala naman ng BFP ang halaga ng napinsalang ari-arian ng P117,600 habang 30 indibidwal naman ang naapektuhan ng sunog.
Sa unang pagsisiyasat ay sinabi ni Atienza na nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng bahay na pag-aari ng isang nagngangalang Marilyn Esmundo habang ang mismong dahilan ng sunog ay patuloy pa ring iniimbistigahan ng Muntinlupa BFP.
Umabot sa 19 fire trucks at apat na ambulansya ang rumesponde sa naturang insidente ng sunog. James I. Catapusan