Home NATIONWIDE 6 biktima ng ‘crypto trafficking ring’ hinarang ng BI

6 biktima ng ‘crypto trafficking ring’ hinarang ng BI

106
0

MANILA, Philippines- Nagpahayag ng pagkabahala ang pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) sa pagdami ng bilang ng mga biktima ng ‘crypto trafficking ring’ na madalas sa social media makaraan maharang ang 6 sa mga biktima, iniulat kahapon.

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, tumataas na ang bilang ng mga Pilipinong na-recruit ng mga sindikato ng trafficking para iligal na magtrabaho sa mga business process outsourcing companies sa ibang bansa.

Sinabi ni Ann Camille Mina, hepe ng Travel Control and Enforcement Unit ng BI, tatlo sa mga biktima ay naharang sa Ninoy Aquino International Airport sakay ng Air Asia flight papuntang Bangkok.

Aniya, ang pahayag ng tatlo ang kanilang dokumento ay para sa isang company group tour at nagpakita ng ilang dokumento pero kalaunan ay nabuko rin ng mga opisyal ng BI dahil sa hindi tugma ang kanilang mga pahayag.

Umamin ang mga ito na patungo silang Laos, at inalok ng P40,000 bilang mga customer service representatives.

Anila, na-recruit sila sa pamamagitan ng isang ahente na nakilala nila sa social media.

Samantala, noong nakaraang linggo, naharang ng mga opisyal ng BI sa Clark International Airport ang tatlong lalaking biktima na nagtangkang lumipad patungong Thailand.

Sinabi rin ng tatlo na nagtatrabaho sila sa isang local cargo company kasama ang isang group tour.

Gayunpaman, kalaunan ay inamin nila na sila ay na-recruit para magtrabaho bilang mga encoder at e-games staff at inalok ng suweldo na $1000 ng isang ahente na nakilala lamang nila sa pamamagitan ng isang social messaging application.

Muling iginiit ni Tansingco ang kanyang babala na huwag i-entertain ang mga alok na natatanggap sa social media, at palaging makipag-ugnayan sa Department of Migrant Workers kapag nag-a-apply ng trabaho sa ibang bansa. Mary Anne Sapico

Previous articleHalos 800 residente, inilikas sa sagupaan
Next article‘Mental health crisis’ ikinabahala ng NUSP sa mandatory ROTC