Home NATIONWIDE 6 kandidato sa Senado, ikakakasa ng PDP sa 2025 – Dela Rosa

6 kandidato sa Senado, ikakakasa ng PDP sa 2025 – Dela Rosa

Inihayag ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na posibleng magkaroon ng anim na kandidato ang Partido ng Demokratikong Pilipino (PDP) sa senatorial election sa 2025 na pangungunahan ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa pahayag, lubhang ikinatuwa’t ikinagulat ni Dela Rosa ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na tatakbo ang kanya ama at dalawang kapatid, sina bi Rep. Paolo at Davao City Mayor Sebastian bilang senador sa 2025 elections.

Aniya, nakatakdang lumahok din si Philip Salvador sa senatorial slate kabilang si Senador Christopher Lawrence Go, na tatakbo sa ikalawang termino sa Senado.

Kaya, aniya, kanyang pangungunahan ang kumbensiyunal na kampanya sa halip na guerilla campaign na nauna nitong ipinahayag.

“Medyo nagulat nga ako, nagulat ako doon sa balita na yun but then again nagulat ako at the same time masaya ako,” aniya.

Giit pa ni Dela Rosa na makakaakit ng supporter si Duterte sa local government units.

“Yes most likely dahil nga meron kahit papaano may mga LGUs pa rin may mga governor, mga mayor na humahanga kay Pangulong Duterte at willing to support the group kung puounta sa area nila,” ayon kay Dela Rosa.

Nahaharap ang dating Pangulo sa paglilitis ng International Criminal Court (ICC) hinggil sa madugong drug war noong nakaraang administrasyon na ikinamatay ng mahigit 20,000 petty pusher at ilang menor de edad na pinangunahan ng Philippine National Police (PNP) sa pamumuno ni Dela Rosa.

Iginiit pa ni Dela Rosa na kayang mangampanya ni Duterte sa usaping pisikal.

“Medyo lumakas naman siya ngayon nung wala na siyang trabaho, hindi na siya presidente lumakas na siya kahit may edad na siya pero very sharp pa rin yung utak niya at maganda yung aura na yan maraming 80 years and above na senador noon noon noon pa kaya niya yan,” ayon kay Dela Rosa.

Nananatili din na isang politically formidable ang dating pangulo, aniya.

“Napakalakas pa rin, basahin mo yung ang survey survey napakataas sa kanila, at ikaw mismo magtanong sa ordinaryong tao palagi sinasabi ng tao bumababa ako sabi sana bumalik si Pangulong Duterte pagka president gusto namin patuloy niya yung ginagawa niya,” ayon kay Dela Rosa.

Samantala, inihayag din ni Dela Rosa na sakaling makipag-alyansa ang Liberal Party sa administrasyon upang labanan ang Dutertes sa 2025 elections, hindi na sila magiging oposisyon.

“Kung mag-align sila sa Malacanang ano pang purpose bakit sila mag-join forces sa Malacanang, ‘di ba para hadlangan ang Duterte, pag ganoon hadlang ang Duterte obvious na opposition na ang Duterte niyan pag ganoon ang sitwasyon,” aniya.

“That is kung makipag-align ang Malacanang sa mga yellow sa mga pink ganoon talaga mangyari mag-align sila ibig sabihin wala nang opposition.”

Sumang-ayon naman dito si Liberal Party stalwart at dating Senate President Franklin Drilon.

“Precisely that’s what I’m saying the lack of a political party system brings about all of this,” ayon kay Drilon sa interview. Ernie Reyes