NEGROS OCCIDENTAL- PATAY ang anim na kasapi ng rebeldeng New People’s Army (NPA) kabilang ang kanilang squad leader matapos makasagupa ang mga sundalo ng Philippine Army’s 3rd Infantry Division nitong Biyernes sa lalawigan ito.
Kinilala ang mga nasawi na sina Alejo Delos Reyes, kilala bilang Peter o Bravo, Squad Leader ng Squad 2 sa Sangay Yunit Propaganda Platoon 3; Marjon Alvior, kilala bilang Kenneth, Vice Squad Leader ng Squad 2, SYP Platoon 3; Bobby Pedro, kilala bilang Recoy, Vice Squad Leader ng Squad 3 ng parehong platoon; Mario Fajardo Mullon, kilala bilang Reco o Goring, Medic ng Squad 1 na parehong platoon; Melissa Dela Pena, kilala bilang Diane, ang asawa ni alias Bravo; at Ruben Gaitan, driver ng tricycle.
Ayon kay 3ID spokesperson Lieutenant Colonel J-Jay Javines, ng 47th Infantry (Katapatan) Battalion, bandang 7:50 PM naganap ang sagupaan sa Barangay Tabugon, Kabankalan City na tumagal ng 10-minuto ang bakbakan.
Nakuha sa pinangyarihan ng sagupaan ang 4 na caliber .45 pistols, 1 granada, 1 caliber .38 revolver, medical paraphernalia, electronic equipment, mga personal na kagamitan at subersibong dokumento na may high intel value.
Wala naman naitalang sugatan o nasawi sa parte ng pamahalaan o sibilyan sa nasabing sagupaan.
Nilinaw naman ni Javines, na walang kinalaman ang sagupaan noong Martes sa Sitio Agdalusan, Barangay Jayubo, Lambunao, Iloilo na ikinasawi ni Private First Class Mars Echevarria, 32-anyos at isang kasapi ng NPA.
Sinabi ni Javines na hindi paghihiganti ang panibagong engkwentro kundi nagkataon lamang na nakapangasawa si Echevarria ng taga Kabankalan.
Dagdag pa ng opisyal na nakatanggap silang report mula sa mga residente hinggil sa presensya ng mga armadong grupo kaya nirespondehan nila ito na nagresulta ng bakbakan.
Samantala, posibleng umanong may pananagutan ang militar sa paglabag sa human rights violation kapag napatunayan na buntis ang sa mga namatay na NPA na si Melissa Dela Pena, dahil hindi maaaring gamitin dahilan ng militar na nanlaban ang isang buntis o menor de edad sa engkwentro./Mary Anne Sapico