Home METRO 6 sugarol minalas sa tong-its, isinelda

6 sugarol minalas sa tong-its, isinelda

SANTIAGO CITY, Philippines – Hindi na nakapalag sa mga otoridad ang anim na sugarol na minalas matapos na sila’y maaktuhang nagsusugal sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya dito sa Lungsod ng Santiago.

Sa ipinarating na ulat ni PMaj. Christopher Danao, hepe ng City Intelligent Unit o CIU ng Santiago City Police Office o SCPO kay PCol. TIrso Manoli, City Director ng nasabing himpilan ng pulisya sa kanilang pinaigting na kampanya sa illegal gambling ay unang naaresto ng mga otoridad ang tatlong indibidwal sa Purok 6, Brgy. Malvar na sina Bryan Valdez, 38-anyos, Ronald Magtutu at Artemo Velasco Ramirez Sr., 63-anyos na pawang mga residente ng Nabuan, Santiago City.

Bago ang kanilang pagkakahuli, nakatanggap muna ng tawag ang Presinto Uno mula sa isang concerned citizen na mayroong nagsusugal sa naturang lugar na agad namang tinungo ng kapulisan.

Naaktuhan naman sa lugar anmg tatlong katao na kasalukuyang naglalaro ng tong-its.

Nakumpiska rito ang kanilang pinantayang pera na nagkakahalaga ng P223 at isang set ng baraha.

Samantala, huli rin ang tatlo pang indibidwal sa Purok 6, Brgy. Rosario dito sa Lungsod ng Santiago na naaktuhan ding naglalaro ng tong-its.

Nakilala ang mga nahuli na sina Jolina Teñoso, 21-anyos, Rosa Lacson, 54-anyos at Jaymar Aguiran, 33-anyos na pawang mga residente rin ng Brgy. Rosario.

Nakumpiska naman sa lugar ang kanilang ‘tayang’ pera na nagkakahalaga ng P1,005, isang set ng baraha, lamesa at tatlong (3) monoblock na upuan.

Nahaharap ang anim na suspek sa kasong PD 1602 na pansamantala nasa kustodiya ng pulisya. Rey Velasco

Previous articleDA, PhilSA sanib-pwersa sa advanced space tech sa pagpapalakas ng PH agri
Next articleMga bagong hemodialysis room ng Navotas City Hospital, pinasinayaan na