Home METRO 6 suspek sa pagdukot sa 3 dayuhan, kalaboso!

6 suspek sa pagdukot sa 3 dayuhan, kalaboso!

MANILA, Philippines- Arestado ang anim na suspek sa pagdukot sa tatlong biktima na kinabibilangan ng Chinese, Hongkong at Korean nationals sa magkahiwalay na operasyon ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) sa Cavite at Pampanga, iniulat kahapon.

Ayon kay PNP-AKG director Police Brig. Gen. Cosme Abrenica, unang naaresto ang apat na Pinoy na suspek habang naaresto naman sa follow-up operation ang Filipino-Chinese at isa pang Chinese national.

Nag-ugat ang pagkakadakip sa mga suspek matapos makatakas ang dalawang biktima na itinago sa mga alyas na Jerome, Chinese national at Jovan, Hong Kong national na hinarang ng mga suspek sa Parañaque at dinala sa General Trias Cavite.

Lumabas sa imbestigasyon ng PNP-AKG na ang mastermind sa pag-kidnap ay driver umano ng biktima habang ang iba pa nitong mga kasabwat ay hindi na muna pinangalanan.

Samantala, nadakip rin ang isang Chinese national na suspek na kinilalang si Li Cheng, matapos dukutin ang negosyanteng Korean national na si alyas Naying, 74, sa labas ng parking area sa Gonghang Corporation, Clark Freeport Zone, Pampanga.

Hiningan ni Cheng si Naying ng 2 billion Korean won (KRW2,000,000,000) katumbas ng ₱83 milyon.

Sinabi ng biktima, nakapagbigay na sila ng ₱1 milyon sa mga suspek noong October 1, 2023 sa Lobby ng Las Palmas Hotel, Malate, Manila.

Subalit sa halip na pakawalan na nila ang biktima ay muli pa silang humirit na nagresulta sa pagkakadakip kay Cheng.

Sinampahan na ng kasong kidnapping at serious illegal detention ang mga naarestong suspek. Mary Anne Sapico

Previous articleCSC sa gov’t employees: ‘Electioneering, partisan political activities’ bawal
Next articleTsina: Nuclear weapons pang-self defense lang