Home HOME BANNER STORY 60% ng mga Pinoy sang-ayon sa tugon ng pamahalaan sa isyu sa...

60% ng mga Pinoy sang-ayon sa tugon ng pamahalaan sa isyu sa WPS – OCTA

MANILA, Philippines – TINATAYANG 60% ng adult Filipino ang sumang-ayon sa naging tugon ng administrasyong Marcos sa territorial dispute sa pagitan ng Pilipinas at Tsina sa West Philippine Sea (WPS).

Makikita sa resulta ng OCTA survey o Tugon ng Masa National Survey na 61% ang aprubado ang naging tugon ng administrasyon, isang pagtaas mula sa 58% na naitala ng OCTA sa kanilang October 2023 survey.

Ayon sa OCTA, naitala ng National Capital Region ang pinakamataas na agreement rating na 67% habang ang Mindanao naman ang nakapagtala ng pinakamababang rating na 52%.

“Furthermore, disagreement rating with the Marcos Jr. administration’s response to address the territorial disputes between the Philippines and China in the West Philippine Sea decreased across major areas,” ayon sa OCTA.

Sa kabilang dako, ang mga Filipino na nabibilang sa Class D ang mayroong pinakamataas na rating agreement sa hanay ng lahat ng socioeconomic classes na may 64% habang ang mga Filipino naman na nabibilang sa Class E ang nakapagtala ng pinakamababang agreement na 51%.

Ayon sa OCTA, ang agreement rating sa socioeconomic classes ABC at D ay tumaas ng 4% point. Sa kabila nito, nabawasan naman ng 3% point sa Class E.

“Also, the percentage of adult Filipinos who disagree with the Marcos Jr. Administration’s response decreased for all socioeconomic classes since October 2023,” ayon pa rin sa OCTA.

Makikita pa rin sa survey na ang disagreement rating sa hanay ng Class ABC ay bumaba ng 12% na puntos.

Samantala, sinabi ng OCTA na ang pinakamataas na agreement rating ay naitala mula sa mga Filipino na ang edad ay 75 at pataas na may 70% habang ang pinakamababa naman na agreement rating ay naitala mula sa Filipino na may edad na 45 hanggang 54, na may 51%.

Ang huling age group ang nakapagtala ng pinakamataas na disagreement rating na 15%.

Samantala, ang survey ay isinagawa mula Disyembre 10 hanggang Disyembre 14, 2023, gamit ang face-to-face interviews sa 1,200 adult respondents. Mayroon itong ±3 margin of error para sa Kalakhang Maynila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao.

Muli namang nanawagan ang Pilipinas sa Tsina sa paulit-ulit na agresyon ng China sa WPS kung saan kabilang ang pagbangga at pagpapaulan ng water cannons sa Philippine vessels.

Umigting naman ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at Tsina sa mga nakalipas na buwan dahil sa trade accusations ng dalawang bansa sa isa’t isa bunsod ng serye ng insidente sa WPS. Kris Jose

Previous articleCha-cha sa economic provisions, suportado ni Gatchalian
Next articleWala pang panawagan sa special polls sa Batangas congressional seat – Comelec