Sa paggunita ng ika-83 taon ng Araw ng Kagitingan, ipinagmamalaki ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), sa pamamagitan ng Mt. Samat Flagship Tourism Enterprise Zone (MS-FTEZ), ang opisyal na pagpapakilala ng bagong gawang Underground Museum sa Mt. Samat National Shrine.
Pinangunahan mismo ni Pangulo Ferdinand R. Marcos Jr. ang unang pagbisita sa Bataan Legacy Underground Museum noong Abril 9, 2025—isang mahalagang hakbang sa pagpapanatili at pagsariwa ng ating pambansang kasaysayan.
Itinayo noong Abril 9, 1970 sa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr., ang Mt. Samat Shrine ay patuloy na sumisimbolo sa kabayanihan ng mga sundalong Pilipino. Sa ilalim ng MS-FTEZ ng TIEZA, binigyang-buhay ang makasaysayang museong ito gamit ang makabagong teknolohiya upang mas mailapit ang kasaysayan sa bawat bisita.
Sa bagong mukha ng museyo, tampok ang siyam (9) na konektadong exhibit tulad ng Bataan as a Battlefield, War Heroes, The Fall of Bataan, at Heroism in Bataan. May mga interactive displays, virtual at augmented reality, holographic visuals, at iba pang makabago at nakaka-engganyong teknolohiya para sa mas malalim na pag-unawa sa kasaysayan ng World War II at kabayanihan ng mga Pilipino.
Ayon kay Atty. Francis Theodore Initorio, MS-FTEZ Administrator:
“Hindi lamang ito simpleng pagkwento ng kasaysayan—ito ay muling paggising sa ating pambansang kamalayan.”
Magbubukas muli ang museyo sa publiko ngayong Hunyo 2025.
Samantala, upang higit pang gunitain ang Araw ng Kagitingan at Philippine Veterans Week, nakilahok ang TIEZA – MS-FTEZ sa makulay na “Parada ng Kagitingan” noong Abril 8, 2025 kasama ang mga entry mula sa apat na distrito ng Bataan.
Inihahanda rin ng TIEZA ang “Faces of Valor” Photo Exhibit sa University of Santo Tomas (UST) sa España, Manila mula Abril 23–30.
Itinatampok dito ang mga beteranong tumanggap o nominado sa Congressional Gold Medal bilang pagkilala sa kanilang sakripisyo para sa bayan. Layunin ng exhibit na palalimin ang diwa ng pagkamakabayan sa mga Pilipino at dayuhang bisita.
Sa pamamagitan ng mga makabuluhang aktibidad at proyektong ito, pinapatunayan ng TIEZA ang kanilang matibay na pangakong alagaan ang ating kasaysayan habang pinauunlad ang karanasan ng mga turista—ngayon at sa hinaharap.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang https://tieza.gov.ph. RNT