Home HOME BANNER STORY 68 patay sa malagim na Davao de Oro landslide

68 patay sa malagim na Davao de Oro landslide

MANILA, Philippines – Umabot na sa 68 katao ang kumpirmadong namatay sa nangyaring landslide sa Maco, Davao de Oro habang 51 katao ang nananatiling nawawala.

Dagdag pa sa ulat na hindi bababa sa 32 ang nasugatan mula sa malagim na insidente na naganap anim na araw na ang nakararaan.

Nagpapatuloy naman ang paghahanap at retrieval operations sa Ground Zero ngunit sinabi ng mga awtoridad na nananatiling hamon ang pagtukoy sa mga biktima.

Malaking bilang ng mga nasawi ay mga pasahero ng dalawang bus na natabunan sa ilalim ng landslide. Napuno ito ng mga empleyado ng isang mining company na katatapos lang ng kanilang work shift at pauwi na sa kanilang mga tahanan nang mangyari ang landslide.

Sa kabila ng  insidente, nagpatuloy ang operasyon ng kumpanya ng pagmimina na Apex sa kabila ng pagguho ng lupa.

Kasalukuyan namang naghahanap ang mga opisyal ng probinsiya ng mga katanggap-tanggap na lugar para sa pansamantala at permanenteng relocation site ng mga apektadong residente.

“So far as the vision to have them relocated, the vision that area is not going to be occupied again, we would be firm with that. We cannot allow anybody there to occupy again that Ground Zero,” ani Davao de Oro Governor Dorothy Montejo-Gonzaga.

Samantala, sa huling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay nasa 1,347 pamilya o 5,431 katao sa apat na barangay ng munisipalidad ng Maco ang naapektuhan ng landslide.

Hindi bababa sa 62 na bahay ang malubhang napinsala ng pagguho ng lupa.

Suspendido ang klase sa bayan. Dalawang barangay ang nakaranas ng pagkaputol sa linya ng kuryente at komunikasyon. Santi Celario

Previous articleS. Luzon, Visayas uulanin sa shear line
Next articleKarampot na price rollback sa produktong petrolyo ipinatupad ngayong Martes