MANILA, Philippines – Nakapagtala pa ng karagdagang pitong kaso ng Omicron subvariant XBB.1.16 o Arcturus ang naitala sa bansa na nagdala sa kabuuang 11 ayon sa Department of Health (DOH).
Ang mga natukoy na kaso ay mula sa Cordillera Administrative Region, Western Visayas, Mimaropa, Bicol Region at Central Luzon, base na rin sa pinakahuling biosurvellaince report ng DOH.
Nauna nang sinabi ng DOH na ang strain ay may kakayahang umiwas sa immunity at lumilitaw na mas nakakahawa kaysa sa mga naunang variant.
Sinabi rin ng DOH na mayroon nang local transmission ng XBB.1.16 , dahil sa pagtaas ng bilang ng kaso ng variant na walang linkage sa international cases o walang history ng exposure.
May natukoy ding 131 na bagong kaso ng Omicron subvariants.
Sa nasabing bilang, 86 ang nauri bilang XBB, kabilang ang 33 XBB.1.9.1 kaso, 13 XBB.1.5 kaso , 8 XBB.1.9.2 kaso at 25 kaso ng iba pang XBB sublineages; 36 bilang BA.2.3.20, 2 BA.2.75. kaso at 7 kaso ng XBC.
Ang Region 10 at Caraga region lamang ang hindi nakapagtala ng anumang local XBB cases, ayon sa DOH.
Sinabi ng DOH na resulta ito ng pinakahuling sequencing run na isinagawa ng San Lazaro Hospital at University of the Philippines – Philippine Genome Center mula May 9 hanggang 11.
Nitong Mayo 20, ang bansa ay may 16,503 aktibong kaso ng COVID-19, ayon sa COVID-19 Tracker ng DOH. Jocelyn Tabangcura-Domenden