Home METRO 7 sa 10 napatay na NPA sa N. Ecija encounter, kilala na

7 sa 10 napatay na NPA sa N. Ecija encounter, kilala na

MANILA, Philippines – Kinilala na ng mga awtoridad ang pito sa sampung namatay sa engkuwentro sa pagitan ng mga rebeldeng New People’s Army at ng mga sundalo ng 84th Infantry (Victorious) Battalion, Philippine Army sa Brgy. Malbang, Pantabangan, Nueva Ecija nitong Miyerkukes.

Base sa report ng 703rd Infantry (Agila) Brigade, kinilala ang mga napatay, kinabibilangan ng matataas na opisyal sa ilalim ng grupong Komiteng Rehiyong Gitnang Luzon na sina Hilario Guiuo, alyas ‘Berting’, acting secretary ng KRGL, and commander, Regional Operational Command; Harold Sarenas Meñosa, alyas ‘Luzon’, commander, Pltn Silangan Gitnang Luzon; Pepito Trinidad Bautista, alyas ‘Dylan’, team leader, Sqd Tersera, Pltn Silangan Gitnang Luzon; Reynan Mendoza, alyas ‘Mel’, at Archie Anceta, alyas ‘Joel’.

Naunang narekober ang 10 high-powered firearms, at isang (1) low-powered firearm, mga subversive documents, at iba pang mga kagamitan mula sa rebeldeng grupo.

Dahil sa patuloy na clearing operation kahapon, June 27, tatlong labi pa ng mga babae ang narekober sa lugar kung saan hinihinalang tumakas ang iba pang kasama ng mga napaslang na NPA.

Dalawa sa mga ito ay kinilala narin ng awtoridad na sina Andrie Dela Cruz, alyas ‘Lay/Rowen/Lunti’, political instructor ng Platun Silangan Gitnang Luzon; at Azase Galang, alyas ‘Cha’; habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng iba pa.

Nakarekober din ng apat pang matataas na kalibre ng baril kabilang ang machine gun at M-16 grenade launcher.

Kabuuang 14 matataas na kalibre ng baril at isang low powered firearms na ang narekober ng militar matapos ang engkuwento.

Nanawagan naman si Brigadier General Joseph Norwin D. Pasamonte PA, Commander, 703rd Infantry (Agila) Brigade, sa iba pang miyembro ng rebeldeng grupo na sumuko na at magbalik-loob na sa pamahalaan.

“We would like to express our sympathy to the bereaved families of those who died and I am saddened that they reached to this point. Hindi nagkukulang ang gobyerno sa panawagan na sumuko na at magbagong buhay. Handa ang gobyernong tanggapin ang may gustong yakapin ang kapayapaan para makapiling ang kanilang pamilya. Nawa’y magsilbi itong aral sa mga natitirang CTG na ipinaglalaban ang kanilang huwad na ideolohiya,” ayon kay BGen. Pasamonte.

Ang mga labi ay dinala na sa isang punerarya sa bayan ng pantabangan at kahapon (June 27) may isang pamilya na ang nag-claim sa labi ng isa sa mga napaslang. (MARINA G. BERNARDINO)