Home NATIONWIDE 7,100 stranded sa mga pantalan sa gitna ni ‘Aghon’

7,100 stranded sa mga pantalan sa gitna ni ‘Aghon’

MANILA, Philippines- Mahigit 7,100 pasahero na ang stranded sa mga pantalan sa buong bansa nitong Linggo dahil sa masamang panahon dulot ng bagyong Aghon.

Sa inilabas na datos ng  Philippine Ports Authority (PPA), mayroong  7,175 pasahero ang stranded sa mga pantalan bandang alas-6 ng hapon nitong Mayo 26, 2024, na may pinakamataas na bilang sa Palawan sa 1,602, sinundan ng  Manila North Port sa 1,543.

Ilang mga pasahero naman ang nagpahayag ng pagkadismaya dahil Sabado pa lamang umano ng hapon  ay nakasakay na sila ng barko ngunit sinabihan silang bumaba ng araw ng Linggo dahil sa bagyo.

Ayon naman sa PPA, ito ay bahagi ng security protocols upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero.

“Kasi po ang atin pong patakaran diyan, kapag po 17 knots ‘yung hangin, dapat po ay bumaba ‘yung mga pasahero at hindi po sila pwedeng maglayag dahil po ito ay delikado,” sabi ni  PPA spokesperson Eunice Samonte .

Itinaas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) 3 ng bagyong Aghon sa  silangang bahagi ng Quezon province. Jocelyn Tabangcura-Domenden