MANILA, Philippines- Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Lunes na 7,200 pang healthcare workers ang makikilahok sa The Wellness Movement– ang inisyatiba na nagsusulong ng kapakanan ng medical frontliners sa buong bansa.
Para sa paglulunsad ng programa ngayong taon sa Philippine General Hospital (PGH), inanunsyo ng DOH na 72 ospital at 7,200 pang miyembro ang tinanggap sa The Wellness Movement.
Pinagsasanib sa programa, na kalat na lahat ng rehiyon maliban sa Central Visayas, ang scientific at practical approaches upang tulungan ang mga doktor, nars, at health staff na i-adopt ang wellness behaviors, kagaya ng pag-ensayo sa grounding, breathing, at gratitude sa mga kritikal na pagkakataon.
Sa kanyang mensahe, inalala ni Health Secretary Ted Herbosa ang three-year progression ng The Wellness Movement, na nagsimula lamang sa limang pilot hospitals noong 2020, kung saan nabenepisyuhan ang halos 4,000 healthcare workers. Pinalawig na ito sa 50 ospital noong 2022.
“The Wellness Movement fits right into two points of the 8-point action agenda of the Department and aligns seamlessly with our endeavor to provide a humanistic approach in the work that we do—-the kapakanan at karapatan ng manggagawang pangkalusugan; and ginhawa ng isip at damdamin,” aniya.
Inilatag din ng DOH ang Wellness Gadgets—ang pagpili ng mga kagamitan na partikular na idinesenyo upang isama ang wellness practices sa daily routines ng hospital healthcare workers. RNT/SA